“Answering Machine”- Isang Nakakatawang Nakakainis na Pangyayari”
Nag aral kami ng mga “spiel” para sagutin ang telepono ng tama. “Standardized” ika nga, para maayos ang dating sa mga customer ng kumpanya. Syempre, kuntodo practice kami at madalas kaysa minsan ay preparado sa pagsagot. Kahit sino sa kumpanya ay “required” na sumagot ng maayos, at kailangan mga dalawang ring pa lang ay masagot mo na. Isa pang panuntunan ay ang pagsagot ng “answering machine” nang maagap. Madalas kasi ay wala kami sa opisina, at nasa labas ng “field” kausap ang mga iba-ibang “partners” or sa katulad ko na madalas maglakbay sa Thailand at ibang lugar, ay madalas na may mga mensaheng naiiwan sa aking “answering machine.”
Isang araw, sa aking pagbalik sa opisina ay napansin kong may pulang ilaw sa telepono. May nag iwan ng mensahe. At dahil dito ay sinikap kong pakinggan isa-isa dahil baka ito ay galing sa mga taong may kailangan sa akin. Ang unang dalawang mensahe ay maigsi lamang. Ngunit nang buksan ko ang panghuli ay may naulinigan lang ako na “background music” na parang kanta (“I Want it That Way” ata yun, yung Boy Band song) pero walang nagsasalita. Medyo matagal, ganoon pa din. May tunog na parang drumstick na tumutunog kasabay ng mahinang kanta sa “background”. Nagtyaga ako makinig kasi baka ito ay isang pagsubok lang na kalakip ng “Mystery Shopper” o “Mystery Caller” project ng admin na ginagawa upang sukatin ang pagiging handa ng mga empleyado sa pagsagot ng kanilang “business calls” at “call etiquette”. So lumipas pa ang ilang minuto. “Drum stick” na tumutunog at kumakalansing, parang lapis na inihahampas sa isang mesa. Wala pa ding nagsasalita. Di kaya nakalimutan nitong “caller” na ito na “nagrerecord” sya ng mensahe? Nagtiis ako at natapos na din ang kanta na “I Want It That Way” pero nagmistulang “drummer” ang “caller” na nag iwan ng mensahe. Kung naabutan ko lang sana sya, kung sino man sya, ay papasalamatan ko sya at naubos ang oras ko sa paghahantay ng sasabihin nya. “Moral lesson”, mahirap magsalita sa pamamagitan ng drum stick. Pangalawa, and telepono ay naimbento upang makipag-usap. Pangatlo, may mga taong mahilig sa “Boy band music” pero, hindi ako yun. At pang-apat, hindi mahal ang “airtime” sa “landline” na di tulad sa mobile phone. Panglima at pinaka-importante, ang tunog ng “drum stick” ay parang “Morse Code” na mahirap bigyan ng kahulugan, iba pa din ang salita “versus” sa pagpalo sa mesa. Hahahaha.
Bigla kong naisip na sabagay, maigi na ang sigurado. Kasama ata yan sa KPI namin, na hindi ko na din ata matatapos dahil paalis na ako.
(This is a true story)
